Tuesday, July 31, 2012

Blog Entry #4

July 27, 2012

Naiiyak Ako


Anong bago? Eh iyakin naman talaga ako. Iyakin. Sobrang iyakin. Bagay na kahit kailan hindi ko mababago, hindi maitatanggi. Bagay na gusto ko mang pigilan, di ko magawa. Masyado lang talaga akong emosyonal na minsan kahit ang babaw, iniiyakan ko pa rin. Umiiyak pag masyadong natutuwa, naiiyak pag kinakabahan, naiiyak pag nalulungkot, naiiyak sa kahit anong kababawan man ang mangyari. Ganyan ako kaiyakin.
Pero ngayon, hindi sa mababaw na dahilan ako naiiyak. Ngayon, naiiyak ako dahil sa lumang issue na nasasaktan ako. Naiiyak kasi naaalala ko yung mga panahon na nakilala kita. Naiiyak kasi namimiss na kita. Sorry ah? Sorry kasi alam kong ayaw mo na iniisip at namimiss pa kita. Sorry kasi di ko mapigilang malungkot sa tuwing ikaw ang naiisip. Sorry kasi hindi ko kaya. Hindi ko kayang kalimutan ka agad. Sorry. 
Ang hirap kasi. Yung nasanay ako na araw araw kausap o katext kita. Yung nasanay na ako sa presensya mo, na kahit di pisikal ay ramdam na ramdam ko naman. Yung naging parte ka na ng buhay ko at tumatak na sa sistema ko. Ang hirap lang bitawan nung pagmamahal na meron ako para sayo. Ang hirap. Sobrang hirap.
Ang lalim kasi, Kuya. Oo nga't saglit lang pero sa maikling panahon na yun, ibinuhos ko lahat. Tanga na kung tanga. Mali na kung mali. Nagmahal lang naman ako eh. Sabi ko nga sa iyo at sa  mga kaibigan ko, minsan lang ako magmahal kaya itotodo ko na. Minsan lang din naman ako magpakatanga kaya go na lang. Tsaka wala din naman akong pinagsisihan. 
May mga natuwa para sa akin at meron din namang hindi. Mga natuwa kasi sa tagal nila akong nakasama, ngayon lang ako naging masaya to the point na nagniningning ang mata. At mga hindi natuwa kasi alam nilang mali ang pinasok ko, na nakakadisappoint knowing me na hinding hindi nagtotolerate ng mali. Sa panahon na naging parte ka ng buhay ko, naranasan kong matuwa, masaktan, magmahal, makutya, majudge, at kung anu-ano pa. Pero wala naman talaga akong pakialam nung mga panahon na yun. Ang importante lang sa akin ay masaya ako at may minamahal. Naging selfish ako for a while kasi gusto ko din namang makaranas na maging masaya at makadama ng pagmamahal.
Yun nga lang, hindi talaga pwede. Bukod kasi sa maling mali, marami pang hadlang. Hadlang na alam mo at alam kong hindi ko kakayanin. Bagay na siyang kahinaan ko. Bagay na kahit kailan, hindi ko mahahandle. Pero alam mo, naisip ko na gusto kong kayanin. Na gusto kong subukang maging malakas. Para sa iyo. Para sa iyo willing akong subukan. Willing akong masaktan ng sobra sobra. Willing akong maghintay hangga't may hihintayin. Para sa iyo wala akong pakialam kahit madurog man puso ko pag dumating yung araw na yun.
Pero sa tingin ko, hindi ko kaya. Hindi ko kayang maging lakas mo. Hindi ko kayang alalayan ka. Hindi ko kaya kasi mahina ako. Mahina kaya ayaw kong maging pabigat sa iyo. Alam ko naman kasi na darating ang panahon na dahil sa karupukan ko, pati ikaw ay manghihina. Pati ikaw madadamay. Kaya kahit masakit, sige na lang. Mas kaya ka kasi niyang alalayan eh. Mas kaya niyang iprovide mga kailangan mo. Mas malakas siya kesa sa akin. Mas kailangan mo siya.
Masakit. Sobrang sakit pero ito talaga yung tama. Siguro dumaan ka sa buhay ko para makaranas ako ng saya at makaramdam ng pagmamahal. Siguro dumaan ka sa buhay ko para turuan akong maging malakas. Siguro dumaan ka lang talaga sa buhay ko at hindi nakatadhanang manatili dito. Siguro ganon nga. Pero kahit na saglit ka lang na dumaan, habang buhay ka nang nakatatak sa puso't isipan ko. Hinding hindi ako titigil sa pagmamahal sa iyo. Siguro huhupa ang pag-aalab ng puso ko sa iyo pero hinding hindi mamamatay ang apoy ng pagmamahal ko. Gaya ng sabi ko dati, ikaw yung taong habang buhay ko nang mamahalin.
Naiiyak ako. Naiiyak ako at alam kong yun lang ang kaya kong gawin. Iiyak na lang ako. Iiyak hanggang sa mapagod ako at sumuko. Hahayaan kong masanay ako sa lungkot na ito para sa mga susunod na araw, linggo, buwan at taon ay puro masasaya na ang magiging alaala ko.

No comments:

Post a Comment